2 patay, 4 sugatan sa nasunog na bus sa Quezon City

DEDO ang dalawang sakay ng pampasaherong bus makaraang sunugin umano ito kasunod ng alitan sa tamang babaan sa Barangay Greater Fairview, Commonwealth Avenue, Quezon City, Linggo ng tanghali.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-12:39 ng tanghali nang masunog ang Fairview Bus na may body number 1606 at umabot sa unang alarma.

Agad namang naapula ang sunog makaraan ang halos isang oras at tinatayang nasa P50,000 ang halaga ng pinsala.

Batay sa salaysay ng drayber ng bus na si Valentino Obligacion, habang nasa biyahe ay narinig nyang nagtatalo ang kanyang babaeng konduktor at ang isang pasahero sa likurang bahagi ng bus.

Nagulat na lamang umano siya nang makitang nagliyab na ang konduktor at agad nitong binuksan ang pinto at pinabasag ang mga bintana para makalabas ang tinatayang 20 pasahero ng bus.

Sinabi pa ni Obligacion na isa sa mga pasahero ang nagsabi na may dalang bote ang nakaalitan ng konduktora na pinaniniwalaang naglalaman ng gasolina at ibinuhos sa biktima saka sinindihan.

Sinubukan pa umano aniyang itulak palabas ang konduktora ngunit pinigilan ng suspek na pasahero bago nito sinindihan ang kanyang sarili.

Maliban sa dalawang namatay, mayruong apat na pasahero pa ang nasugatan sa insidente.

Patuloy nang sinisiyasat ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawi at ang dahilan ng insidente.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.