NAHULOG sa kamay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na puganteng Korean nationals na nahuli sa iligal na operasyon ng online gambling sa isang condominium sa Porac, Pampanga.
Iniharap ng NBI sa media ang mga suspek na kinilalang sina Kim Minhua Kim Haesu, Kim Minsuu at Jan Jin.
Ayon kay NBI Deputy Director Ferdinand Lavin na noong Pebrero 27, 2025, nagpatupad ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) ang NBI– Pampanga District Office (NBI-PAMDO) sa Barangay Sta. Cruz.
Nagsimula ang kaso sa impormasyon na ang mga nabanggit na lugar ay nagpapatakbo bilang isang illegal online gambling hub na walang lisensya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Nakakuha ang NBI-PAMDO ng search warrant para sa Illegal Online Gambling sa ilalim ng Presidential Decree No. 1602 kaugnay ng Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) mula sa Regional Trial Court (RTC) Branch 81, Malolos City, Bulacan.
Sa operasyon, nakumpiska ng mga otoridad ang mga computer device at online gambling paraphernalia na ginamit sa pagsasampa ng nabanggit na mga kaso.
Sa imbestigasyon, nadiskubre ng mga ahente ng NBI-PAMDO, sa pakikipagtulungan ng Interpol, Korean Embassy, at Korean National Police Agency, na sina Kim Minha at Kim Haesu ay mga Korean fugitive na wanted para sa prosekusyon ng gobyerno ng Korea at naisyuhan ng Interpol Red Notice.
Ang dalawa ay miyembro ng Korean voice phishing syndicate na nagtago sa Pilipinas mula noong 2017.
Nanloloko ng mga biktima ang grupo ng dalawa sa pagpapanggap bilang mga banker, na nagkamal ng humigit-kumulang USD 840,000.00 mula sa kanilang mga scam.
Ang Chuncheon District Court ng Republic of Korea ay naglabas ng warrant of arrest para sa fraud (Criminal Act 347-(1)).
Ang kaso ng dalawa ay naka-iskedyul para sa paglilitis sa RTC Branch 115 sa Angeles City.
Pinuri naman ni NBI Director Judge Jaime Santiago ang intelligence ng NBI-PAMDO at PAF para sa matagumpay na operasyon ng pagpapatupad ng batas at para sa international collaboration sa counterparts paghuli sa mga pugante.

