24k na tablet, ipinamahagi sa mga mag-aaral sa Valenzuela

Pinangunahan ni Mayor Rex Gatchalian ng Valenzuela City ang pamamahagi ng 24,000 tablet sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralang elementarya  at sekondarya sa lungsod.

“After going through a strict and stringent procurement and importation process, this week, we will release 24,000 tablets to our students in our public schools who stated that they do not have any handheld device during enrollment,” pahayag ni Mayor Gatchalian.

Base sa enrollment declaration ng Department of Education (DepEd) Valenzuela noong nakalipas na taon, 24,000 sa 130,000 estudyante sa pampublikong paaralang elementarya at sekondarya sa lungsod ang walang smartphone o gadget para sa online classes.

Sa beripikasyon ng DepEd Valenzuela ay natuklasan na ang mga student-beneficiaries ay walang kapasidad na makabili ng sariling gadget para sa online classes na nagsimula noong Oktubre 2020 kaya’t naglaan ang Pamahalaang Lungsod ng P69 millyon para sa pagbili ng mga nasabing gadget.

Ang mga naturang tablet ay maaaring gamitin sa panonood ng mga aralin sa Valenzuela LIVE Online Streaming School, sa pagbabalik-aral at panonood ng iba pang educational videos.

Nagbilin ang pamahalaang lungsod at DepEd Valenzuela sa mga Batang Valenzuelano na ingatan ang kanilang mga tablet dahil pinahahahalagahan rin ng lokal na pamahalaan ang kanilang edukasyon, at sinabing ang mga tablet  ay nararapat lamang gamitin sa paglahok sa mga online class at follow-up discussion.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.