SIMULA bukas, ipatutupad na ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang 24/7 o tuloy-tuloy na bakunahan.
Magpapatupad din ang pamahalaang lokal ng bagong sistema upang hindi na maulit pa ang nangyaring pagdagsa ng mga tao sa mga vaccination sites.
Wala na rin munang bakunahan sa mga mall kundi sa community vaccination muna o sa paaralan gagawin ang pagbabakuna para mas malapit na ito sa mga residente na nais magpabakuna.
Magkakaroon din ng istriktong scheduling at pre-registration alinsunod sa itinakdang panuntunan ng Department of Health, ayon kay Manila Mayor Francisco Domagoso.
Hindi rin tatanggapin sa vaccination sites ang walk-in kahit nakapre-registered ang gustong magpabakuna.
Ayon pa sa Manila LGU, magbibigay na ito ng slot sa bawat barangay .
Ipinauubaya naman ng alkalde sa mga barangay ang pagbibigay ng slot para sa mga magpapabakuna.
Paalala ni Domagoso sa mga magpapabakuna, dalhin lamang ang kanilang QR code dahil ito ang magsisilbing ID para makalusot sa mga quarantine control point.

