Cash aid, matatanggap na ng mga taga-NCR sa susunod na linggo – DILG

MAAARI nang matanggap simula sa susunod na linggo ng mga kuwalipikadong benepisaryo sa National Capital Region (NCR) ang tulong pinansyal ng gobyerno.

Ayon kay Interior Undersecretary Epimaco Densing III, nasa P1,000 bawat indibidwal o hanggang P4,000 sa bawat pamilya ang matatanggap na cash assistance sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

Kinumpirma ni Densing na naipasok na sa bank accounts ng mga lokal na pamahalaan ang P10.84 bilyong pondo para sa cash assistance.

Gayunman, bago ang distribusyon ng ayuda ay kakailanganin aniya na lumagda muna sa isang joint memorandum ang mga local government unit (LGUs) at Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Ang aming estimate po baka mid of next week ay mailabas na po kasi aayusin pa lahat ng papel, listahan, mga authorization. Baka mga mid-next week baka mag-start na po ang ating mga lokal na gobyerno,” ayon kay Densing.

Sinabi pa ni Densing na pupuwedeng magamit na sistema ng mga LGU ang ginawa nito nuong Abril na huling pinairal ang ECQ at gagamitin din ang kaparehong listahan ng mga benepisaryo.

“Ang aming assumption e dapat parehas po dahil kung ang nabigyan ka noong nakaraang ayuda e dapat mabibigyan ka ngayong darating na ayuda,” dagdag nito.

Para naman sa mga taga-Laguna na nasa ilalim din ng ECQ hanggang Agosto 15, sinabi ni Densing na naghahanda na rin ang gobyerno ng hiwalay na pondo para sa cash assistance.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.