2021 national budget, papipirmahan na kay Pangulong Duterte sa Disyembre

Share this information:

TARGET ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na mapapirmahan na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang P4.5 trilyong national budget para sa taong 2021 sa unang linggo ng Disyembre.

Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, ngayong Setyembre o sa unang linggo ng Oktubre tatapusin ang deliberasyon ng House of Representatives sa 2021 General Appropriations Bill para maipasa sa Senado.

“Ang target nga natin, sana mapirmahan na ng President ito first week pa lang ng December,” kumpiyansang pahayag ni Cayetano.

Naniniwala si Cayetano na kung maagang mapagtitibay ang national budget, magiging mabilis din ang pagsasalang ng mga ahensya ng gobyerno sa proseso ng bidding at procurement ng mga kailangan para sa mga programa at proyekto.

“Kapag ang budget ay napasa nang maaga, maraming mga proyekto dito ay pwede nang i-procure or i-bid out. So imagine yung nasasayang na oras ng January, February, March, halimbawa January pa lang magiging effective yung budget, mag-o-organize pa lang sila, February sila magbi-bidding, March or April pa sila magp-procure, sayang yung apat na buwan na yan. E, kailangan na kailangan ng trabaho, ng stimulus ng ating mga kababayan,” paliwanag ni Cayetano.

Hinimok din ni Cayetano ang mga taga-gobyerno at senador na ikonsidera ang timeframe ng pagtitibay ng 2021 national budget upang agad nang maibigay sa taumbayan ang kinakailangan nitong ayuda at mga serbisyo.

Kasabay nito, tiniyak ng House Speaker na magiging transparent ang budget deliberations kontra sa pinangangambahang pagsisingit, parked funds at pork barrel.

“Merong mga amendment na mangyayari. Sisiguraduhin lang natin na hindi siya pork barrel, at sisiguraduhin lang natin na hindi siya parked na pondo. Pero yung pag-amyenda, part ng trabaho namin yan,” pagtitiyak ng lider ng Kamara.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.