Timbog ang dalawang tulak ng shabu matapos makuhanan ng nasa P340,000 halaga ng nabanggit na ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City.
Batay sa naisumiteng report kay Caloocan City Police Office Chief Col. Dario Menor, nakilala ang naarestong mga suspek na si Alcar Dugay, 20 ng Gonzales St. Barangay 69 at Joon Job Payumo, 18 ng Masagana St. Barangay 73.
Bandang ala-1 ng madaling araw ng Martes, Oktubre 13, ng isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Police Captain Deo Cabildo ang buy-bust operation sa Heroes Del, Barangay 73.
Nagawang makabili ng poseur buyer sa mga suspek ng P10,000 halaga ng shabu.
Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa pulis ay agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto ang dalawa.
Nakumpiska sa mga suspek ang aabot sa 50 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P340,000 ang halaga, digital weighing scale at isang P1,000 bill na nakabungkos sa 9 P1,000 fake/boodle bills na ginamit bilang buy-bust money.
Ayon kay Cabildo, si Dugay ay nasa watch list na kabilang sa dating Priority Drug Personalities ng Caloocan Police kung saan naaresto na ito at bumalik sa ilegal na gawain.