Inilabas ng Malakanyang ang mga inaprubahang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa tuloy tuloy na pagbubukas ng ekonomiya ng bansa ng hindi nasasakripisyo ang buhay laban sa COVID-19.
Kabilang sa mga rekomendasyon ay ang pagbubukas ng sapat na bilang ng ligtas na public transport alinsunod sa minimum health standards, para makabalik na sa trabaho ang mas maraming tao.
Gagawin ng one seat apart ang mga pasahero at unti unti ay itataas na ang kapasidad o papayagan na ang magkatabi sa upuan pero dapat may plastic barrier o may gagamiting ‘ultra-violet’ light.
Lalawakan na rin ang rail capacity mula 30% hanggang 50%, at lalawakan na rin ang biyahe ng mga provincial bus, motorcycle taxi, shuttles at Transportation Network Vehicle Services o TNVS.
Pabibilisin din ang paggamit ng service contracting para mapalawak ang biyahe ng mga bus at jeep.
Kaugnay nito, mahigpit pa rin na ipatutupad ang ‘7 commandments’ para sa lahat ng pampublikong transportasyon alinsunod sa mungkahi ng mga health expert.
Kabilang dito ang pagsusuot ng tamang face mask, face shields, walang magsasalita o kakain sa loob ng sasakyan, dapat may sapat itong ventilation, madalas at tamang paraan ng disinfection sa sasakyan, walang papayagang makasakay na symptomatic na pasahero, at may tamang physical distancing.
Samantala, sa panig naman ng mga negosyo ay inaprubahan ng IATF ang pagpapatupad ng mas maikling curfew hours at multiple work shifts para mas maraming manggagawa ang makabalik sa trabaho at mas maraming mga consumer ang makalabas at makapag ambag sa mas mabilis na takbo ng ekonomiya.
inaprubahan din ang gradual expansion ng business capacity sa 75% hanggang 100% at gradual expansion ng age group na papayagang makalabas na tulad halimbawa ng 15 hanggang 65 years old.
Kapag naman tumataas ang kaso ng COVID-19, pananatilihin ang kasalukuyang quarantine level at magpapatupad ng mas mahigpit na protocols at mas maraming localized quarantine.