2 Taiwanese dinakip dahil sa illegal recruitment

DALAWANG Taiwanese national ang dinakip na sinasabing nasa likod umano ng illegal recruitment ng mga Filipino para sa scam hubs sa ibang bansa habang nailigtas ang limang aspiring Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Sa ulat ng PNP-Aviation Security Group ( AVSEGROUP), ginawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Overseas Workers Welfare Administration,(OWWA) Philippine National Police-Women and Children Protection Center, Bureau of Immigration, Inter-Agency Council Against Trafficking, at NAIA Task Force Against Trafficking.

Naharang ang mga suspek na Taiwanese habang ini-escort ang mga biktima – tatlong lalaki at dalawang babae – na pinangakuan ng trabaho sa Cambodia bilang “customer service representatives.

“Base sa report, ang mga biktima ay naakit sa pamamagitan ng social media at messaging platforms, na may pangako ng buwanang suweldo mula USD800 hanggang USD1,000 (humigit-kumulang PHP45,000 hanggang PHP58,000). 

Kinumpirma ng mga imbestigador na ang mga alok ng trabaho ay walang katotohanan at puro kathang-isip lamang at nauugnay ng cyberfraud na lumalaganap sa Southeast Asia.

Pinuri naman ni Secretary Hans Leo J Cacdac ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mabilis na inter-agency na koordinasyon, na idiniin na ang operasyon ay isinagawa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang proteksyon para sa mga manggagawang Pilipino laban sa mga sindikato ng trafficking.

Ang dalawang Taiwanese ay mahaharap sa kasong illegal recruitment at human trafficking sa ilalim ng Migrant Workers and Overseas Filipinos Act at Anti-Trafficking in Persons Act.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.