Frontliner sa Zambales, nagka COVID-19, bahay ipinapad-lock ng yero ni Kap

Ikinasama ng loob ng isang frontliner na nagpositibo sa coronavirus disease o COVID-19 ang aniya’y hindi makatuwiran at makataong pagtrato sa kanya ng kanilang Barangay Chairman ng basta na lamang nitong barikadahan ng yero ang harapan ng kanilang bahay sa San Nicolas, Castillejos, Zambales.

Batay sa naging pahayag ng medical frontliner na pinangalanang “P-H3R0”, na itinuturing na mga bayani sa panahon ng pandemya, itinuro nito ang kapitan ng kanilang barangay at maging ng ilan nitong tanod na mismong naglagay ng barikada nitong nakalipas na September 29, araw ng Martes.

At dahil sa ginawang hakbang ng barangay ay nalagay umano sa alanganin ang buhay ng tiyuhin at ang kapatid nito na nakulong sa loob ng kanilang bahay at mahawaan ng nakamamatay na virus.

Kinuwestyon ng “P-H3R0” na bakit umano yero ang napiling ilagay ng kanilang barangay sa harapan ng bahay na puwede naman umano silang pabantayan ng tanod.

Nagbulalas ng sama ng loob si “P-H3R0” dahil sa ginawang diskriminasyon ni kapitan sa kanya at hindi man lamang naisip o ikinunsiderang nahawa siya ng virus dahil sa pagliligtas ng ibang buhay mula sa kamatayan dulot ng pandemya.

Nanawagan sya sa lahat ng namumuno sa barangay sa buong bansa na bago sila idiskrimina ay isipin muna ang kanilang sitwasyon bilang mga frontliners partikular ang kanilang sinumpaang tungkulin na magligtas ng buhay ng iba bago ang sarili.  

Sa kasalukuyan ay nasa isang isolation facility si “P-H3R0” sa Olongapo City at nais na mapa aga ang kanyang paggaling upang maituloy nito ang pagsagip sa ibang buhay alang-alang sa kaligtasan ng sambayanan kontra COVID-19.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.