2 patay sa trak na umararo sa pila ng mga kukuha ng ayuda sa Bulacan

Share this information:

DALAWA ang nasawi habang maraming iba pa ang sugatan nang araruhin ng dump truck ang pila ng mga kukuha ng ayudang pinansyal sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Dakong alas-7:40 ng umaga nang mangyari ang aksidente matapos umanong atakihin sa puso ang drayber ng trak na si Herminio Gerona, 57-anyos, empleyado ng city hall.

Pumanaw din makalipas ang ilang oras ang isa sa mga napuruhang nakapila na si Analyn Somooc.

Batay sa paunang imbestigasyon, dadalhin sana ni Gerona sa motor pool ang trak para sa arawang imbentaryo pero nagdi-diretso ito sa tent sa harap ng city hall kung saan nakapila ang mga residenteng kukuha ng financial assistance para sa mga apektado ng pinairal na enhanced community quarantine (ECQ).

Naging pahirapan ang paghugot kay Gerona mula sa trak at bagamat naisugod sa ospital ay binawian ng buhay.

Ayon kay Jose del Monte City Police chief Major Julius Alvaro, mayruong sakit sa puso ang drayber at naabutan ito ng atake habang nagmamaneho kaya’t nangyari ang disgrasya na ikinadamay ng iba pang residente.

Naisugod din sa ospital si Somooc na nagtamo ng multiple rib fracture ngunit ayon kay Dr. Erbe Bugay, Chief of Hospital ng Ospital ng Lungsod ng San Jose del Norte, nahirapan na mabigyan ito ng cardiopulmonary resuscitation dahil sa mga tinamo nitong bali sa dibdib at nabutas din ang baga ng ginang.

Humihingi naman ng tulong para sa pagpapalibing ang pamilya ni Somooc.

“Aksidente po kasi, sino po sisihin naming? Hindi po nila ma-CPR dahil bali-bali raw po ‘yung ribs. Sobrang sakit daw ng likod nya at saka dibdib kasi ‘yun po talaga ‘yung tumama sa kanya. Parang nakalsuhan daw po siya ng gulong. Sana lang po, matulungan na lang po kami hanggang sa matapos pa ‘yung pagpapalibing po ni mama kasi wala rin naman po kaming aasahan nap era ngayon,” ayon kay Abegail Somooc, anak ng biktima.

Samantala, kailangan ding maisalang sa chest at cranial CT-scan ang isa pang nabundol na si Mary Rose Eustaquio na masusing inoobserbahan sa ospital bagamat ligtas na sa kapahamakan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.