2 lalaki na kaanak mismo ng senior citizen na PWD at inabandona sa ilalim ng tulay, inaresto

Tuluyang inaresto ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT) ngayong Biyernes ika-4 ng Setyembre ang pamangkin ni Mrs. Lehicia Tan, ang senior citizen na kamakailan ay inabandona sa ilalim ng McArthur Bridge.

Kinilala ang suspek bilang si Ephraim Tan Yap, 51 taong gulang, nakatira sa Norberto St., Binondo, Manila.

Ayon sa pahayag ni Mr. Yap, tatlong linggo na naka-confine ang kanyang tita na si Mrs. Tan sa Metropolitan Medical Center at napunta sa kanya ang responsibilidad noong mamatay ang asawa nito.

Dagdag pa ni Mr. Yap, nilapitan niya ang isa pang suspek na si Mrs. Emerita Decilio at nagpatulong na dalhin sa Missionary of Charity. Ayon rin sa kanya, inabutan niya si Mrs. Decilio ng P1,500 upang makabili ng pangangailangan ng kanyang tita.

“Lumapit po ako kay Emie, pagtapos po noon pumunta kaming barangay para sa certification na inaabandona ko na ang auntie ko. Kaya humingi po ako ng tulong para maipadala siya sa mga center,” aniya.

“Mayroon na po akong certificate sa barangay na si Mrs. Tan ay abandoned kaya kailangan tanggapin ng Missionary of Charity kasi abandoned na,” paliwanag ni Mrs. Decilio.

“Pero wala pong tumanggap sa’min, kaya desperado na po ako. Aaminin ko po iniwan ko po,” dagdag pa ni Mrs. Decilio.

Ayon kay SMaRT Chief Rosalino Ibay Jr., haharap ang mga suspek, kabilang ang drayber ng tricycle na inarkila ni Mrs. Decilio na si Mr. Rogelio Espino, sa kasong paglabag sa Article 275 ng Revised Penal Code o ‘Abandonment of Persons in Danger and Abandonment of One’s own Victim.’

“Nalaman natin na ang victim ay isang Person with Disability at senior citizen. We conducted a follow-up operation na nagresulta sa pagkaka-aresto ng tatlong malefactor natin. Ngayon, haharapin na nila ang ginawa nila,” ani pa ni Ibay. (Manila Public Information Office)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.