Sinibak sa puwesto ang sampung pulis ng Quezon City Police District (QCPD) nang madiskubreng ibinangketa o hindi itinur-over ang mga nakumpiskang marijuana sa limang sugarol na inaresto sa isinagawang ‘Oplan Galugad’ sa lungsod nitong Martes.
Batay sa ulat, nasa restrictive custody ngayon ang 10 operatiba mula sa Holy Spirit Police Station 14, kasunod ng viral post sa umano’y mga iregularidad sa ikinasang Oplan Galugad noong Abril 12.
Una nang iniulat ng PS 14 ang pag-aresto sa limang lalaki dahil sa ilegal na sugal.
Gayunpaman, nitong Martes, (Abril 22), natuklasan na ang narekober na handbag na may lamang pinaghihinalaang pinatuyong dahon ng marijuana ay hindi naidokumento, naimbentaryo, o nai-turn over sa crime laboratory.
Hindi naman binanggit sa ulat kung ilang gramo o kilo ang nakumpiskang marijuana mula sa mga suspek.
Hindi rin umano kinasuhan ang mga nadakip ng paglabag sa ilalim ng R.A. 9165, kaya naman nahaharap sa kasong neglect of duty and grave misconduct ang 10 pulis.
Ang lahat ng sangkot na pulis ay tinanggal sa kanilang mga puwesto, dinisarmahan at itinalaga sa District Personnel and Holding Admin Section ng QCPD.
Kasalukuyan nasa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) para sa imbestigasyon at pagsasampa ng naaangkop na mga kasong kriminal at administratibo.

