Isang Chinese national na tatlong araw nang nakakulong ay nailigtas ng mga operatiba ng Special Weapons and Tactics sa isang bahay sa Binan City, Laguna.
Sa ulat na nakarating kay Laguna Provincial Director Col. Serafin Petalio II at Calabarzon Police Regional Director Brig. Gen. Felipe Natividad, nailigtas si Li Jiging, 36 anyos na Chinese national mula sa pagkakakulong nito.
Naaresto naman ng mga operatiba si Zhang Chen, 25 anyos na Chinese national din at residente ng 40 Paseo de Manila St. Las Villas de Manila Subdivision, Brgy. San Francisco, Binan City, Laguna.
Tumawag ang isang concerned citizen na isang Chinese ang di-umano’y nakakulong sa bahay ni Chen.
Agad na pinapuntahan ito ni Binan City Police Chief Lt. Col. Giovani Martinez sa SWAT Team upang beripikahin at iligtas ang nasabing biktima.
Hinalughog ng mga operatiba ang bahay ni Chen at natagpuan ang biktima na nakatali ang dalawang kamay nito sa isang kwarto ng bahay.
Lahad ni Jiging sa mga operatiba na tatlong araw na siyang nakakulong sa bahay na nakatali ang mga kamay. Subalit nang magkaroon siya ng pagkakataon ay agad niyang tinawagan ang kanyang mga kaibigan at ipinagbigay-alam sa pulisya ang kanyang kalagayan.
Nasa kustodiya na ng Binan City Police Station ang suspek at sumasailalim sa imbestigasyon.