“Walang pasyente na tatanggihan ng serbisyo sa mga ospital ng gobyerno” – Fernando

Share this information:

LUNGSOD NG MALOLOS–Ito ang paglilinaw ni Gobernador Daniel Fernando kung saan  parehong mapaglilingkuran ang mga COVID at hindi COVID na kaso sa mga pampublikong ospital sa lalawigan kaugnay ng  pagpapatupad ng COVID-19 Surge Capacity Plan.

Ito po ay pansamantalang pagpapatupad na ang layunin ay matugunan po ang pagdagsa ng COVID cases sa ating lalawigan habang sa kabilang dako naman po ay hindi naman natin mapapabayaan ang non-COVID cases katulad ng cancer, diabetes, dengue, at iba’t iba pa pong karamdaman na hindi konektado sa COVID,” paliwanag ng gobernador.

Nilinaw ni Fernando sa mga Bulakenyo na ang Bulacan Medical Center (BMC) at Bulacan Infection Control Center (BICC) ang magiging pangunahing COVID referral facility para sa moderate hanggang kritikal na COVID-19 suspects at positibong pasyente, habang ang mga district hospital naman ang tutugon sa mga hindi COVID na kaso.

Sa kasalukuyan po, kaya ng BICC ng 134 COVID patients. Sa ilalim ng temporary set-up, kaya nating mag-expand up to 200 hospital beds at 20 hanggang 30 ICU. Ang COVID ICU po ay kayang mag-admit ng hanggang 30 critical patients. Maglalagay din tayo ng 10 beds na para sa mga pasyenteng may Chronic Kidney Disease, dalawang dialysis machine po ang gagamitin para dito,” dagdag ng gobernador.

Aniya, ang Calumpit District Hospital ang magiging pansamantalang Maternity at Children’s Hospital para sa mga hindi COVID na OB at Pediatrics na kaso; ang Emilio G. Perez District Hospital sa Hagonoy ang magiging medical at pediatrics na ospital; ang Gregorio Del Pilar District Hospital sa Bulakan ang magsisilbing  surgical hospital; at ang San Miguel District Hospital, Baliwag District Hospital at Rogaciano M. Mercado Memorial District Hospital sa Santa Maria ay magpapatuloy bilang mga general hospital na maglilingkod sa mga hindi COVID na pasyente.

Upang masagot ang mga katanungan patungkol sa mga emergency na sitwasyon, nilinaw ng gobernador na mayroon pa ring kapasidad ang BMC na tumanggap ng mga emergency na kaso at ililipat lamang ang pasyente sa oras na umayos na ang kondisyon nito.

Ang kondisyon ng pasyente at mga prosesong kanyang pagdadaanan ay dapat na ipaliwanag ng lubos sa pasyente o sa kanyang pamilya. Kung ang pasyente ay kailangang i-refer sa ibang ospital, ang BMC kung saan unang kumonsulta ang pasyente ang magco-coordinate sa receiving hospital to facilitate the transfer of patient. Ang pasyente ay hindi ililipat ng walang koordinasyon,” aniya.

Sinabi din ng gobernador na sa pamamagitan ng disenyong ito, matutugunan ng lalawigan ang dagsa ng COVID at hindi COVID na kaso at makapagliligtas ng maraming buhay.

Sa ilang araw pa lamang po ng transition ay nakakita na tayo ng bahagyang improvement at umaasa po ako sa magandang magiging bunga nito na makatugon tayo sa mga COVID cases sa pamayananan,” ani Fernando.

Bago matapos, inulit ng punong lalawigan ang panawagan na maging mapagmatyag sa mga maling balita at pamumulitika na ang intensyon ay ilayo ang mga Bulakenyo sa katotohanan.

Nagawa nating mapagtagumpayan ito noong nagdaang taon, hindi ipapahintulot ng Diyos na mabigo tayo ngayon. Sa gitna ng mga maling impormasyon at pagtuligsa sa ngalan ng pulitika, kayo po ang kalakasan ko. Kapag tayo ay nagbayanihan at nagdamayan, may Diyos tayo na nakakakita ng ating pighati at ito ay wawakasan niya at malulupig ang pandemya,” pangwakas ng gobernador.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Next Post

P16.9M TUPAD at livelihood packages, handog ng DOLE sa Bulacan

Mon May 3 , 2021
MAIN PHOTO: Makikita sa larawan ang pag-abot ni Department of Labor and Employment (DOLE)-Bulacan Provincial Director May Lynn Gozon kay Baliwag Mayor Ferdinand Estrella ng simbolikong tseke para sa iba’t ibang Kabuhayan Packages. (Larawan mula sa PIA-Bulacan) NAGKALOOB  ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng nasa P16.9 milyong iba’t ibang livelihood […]

Follow Us

%d bloggers like this: