SUMASAILALIM ngayon sa self-quarantine si Vice President Leni Robredo matapos na magkaroon ng exposure o makasalamuha ng taong nagpositibo sa COVID-19.
Ayon sa Bise Presidente, kinansela na nito ang kanyang mga aktibidad na personal sana nitong pupuntahan bilang pagsunod sa health protocols ng pamahalaan.
Ginawa na lamang aniya na online ang lahat ng kanyang mga aktibidad dahil sa ngayon ay mabuti pa naman ang kanyang pakiramdam at ginawa lamang ang self-quarantine bilang pag-iingat.
“So sumunod kami sa protocols. Kinansel namin ang mga physical meets noong Friday atsaka Saturday. Lahat kinonvert namin online so hindi matutuloy ‘yung Monday-Tuesday namin,” ayon kay Robredo.
Inaasahan namang sasalang sa swab test si Robredo gayundin ang kanyang chief of staff na si Undersecretary Philip “Boyet” Dy at iba pa niyang staff na kasama sa isang aktibidad kung saan nakasalamuha nila ang isang kaso ng COVID-19.
“Hopefully ma-swab na kami. Kasi ‘pag na-clear na kami, tuloy na ulit. Sana okay naman,” dagdag pa nito.
(Photo Credit: Filipina Women’s Network)