Videoke sessions sa Cavite, hanggang 8pm na lang

Share this information:

IPINAGBABAWAL na ng lokal na pamahalaan ng Cavite ang videoke sessions o kantahan at inuman ng kanilang mga residente pagsapit ng alas-otso ng gabi.

Ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla, posibleng maaresto ang mga hindi susunod sa bagong protocol.

Regular aniya na magpapatrulya ang mga pulis sa lalawigan upang hulihin ang mga indibidwal na nag-iinuman at nabi-videoke paglagpas na ng alas-otso ng gabi.

“Minabuti na namin na itigil na ‘yan, 8 o’clock itigil na tapos hindi puwedeng habang nag-iinuman, nagvi-videoke. Binawal na din namin so para ma-lessen ang transmission ng COVID,” pahayag ni Remulla.

“Nagtayo na kami ng hotline, mayroon naman kaming lagpas na halos 300 na police vehicles na rumoronda sa Cavite tapos tatawagan sila ng commanding officers nila, obligado silang puntahan, pagsabihan ‘yung mga violators,” dagdag nito.

“Kung ayaw pa rin tumigil, may right silang arestuhin for disobedience to authority,” babala ni Remulla.

Nauna rito, inihayag ni Remulla na marami silang natatanggap na mga reklamo patungkol sa mga nagbi-videoke pa rin kahit sa alanganing oras.

“Sorry po ngunit kahit sabihin ninyo pang kayo ay nasa loob naman ng inyong tahanan, ang ingay na dulot nito ay maituturing na labag na sa tinakdang curfew hours,” ayon pa sa opisyal. 

(Photo credit: Timeout)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.