Upang matakasan ang mahigit P2-milyon utang, negosyante bulilyaso sa murder try

KALABOSO ngayon sa piitan ang isang 37 anyos na negosyante at kanyang kasamahan dahil sa tangkang pagpatay sa isang lalaki na pinagkakautangan nito ng mahigit P2milyon sa Quezon City.

Nakilala ang suspek na si Abraham Tan, residente ng Sorento 5 Subdivision, Bacoor, Cavite at ang tinaguriang ‘hitman’ nito na si Rogelio Farcon, 41 taong gulang ng Binan City, Laguna.

Patuloy naman na inoobserbahan sa ospital ang biktimang si Raymund Matabang, 38, ng South Green Park Village, Barangay Bahay-Toro at kanyang driver na 20 anyos na si Vickson Villaroman na kapwa nagtamo ng ilang tama ng saksak sa kanilang katawan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Police Station 5 ng Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang insidente pasado alas 11 ng tanghali ng Biyernes, Abril 16, 2021 sa bahagi ng Commonwealth Avenue, Barangay North Fairview.

Lumalabas sa report na bago ang tangkang pagpatay sa mga biktima ay sinundo muna ng mga ito ang mga suspek sa isang bangko sa Commonwealth Avenue para magtungo sa isa pang bangko na nasa North Fairview branch para mag withdraw ng malaking halaga ng pera.

Subalit hindi pa nakakalayo sa lugar ay magkasabay na pinagsasaksak ng sunod-sunod nina Tan at Farcon ang mga biktima habang umaandar ang sasakyan.

Mabuti na lamang umano at hindi agad napuruhan si Matabang na nakalabas ng kotse at agad humingi ng saklolo sa mga tao na nasa lugar.

Tumakas naman ang mga suspek subalit nakorner din sila ng mga nagpapatrulyang pulis at dinala sa nabanggit na himpilan ng pulisya.

Narekober mula sa posesyon nina Tan at kanyang hitman ang dalawang mahabang kutsilyo na ginamit sa mga biktima sa tangkang pagpatay sa kanila. Napag-alaman sa report na may utang si Tan kay Matabang na nagkakahalaga ng mahigit P2-milyon na sinasabing dahilan ng krimen para makatakas na makabayad ang suspek sa biktima.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.