Truck ban, muling ipatutupad ng MMDA sa Disyembre 14

Share this information:

MULING ibabalik sa Lunes, Disyembre 14 ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng truck ban makaraan aprubahan ng Metro Manila Council (MMC) na binubuo ng 17 alkalde sa Metro Manila.

Sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na ang pagpapatuloy ng truck ban ay upang maibsan ang matinding trapik sa Metro Manila ngayong buwan ng Kapaskuhan.

Ayon kay Garcia, tumataas ang volume ng mga sasakyan na dumadaan sa mga kalye habang papalapit na ang Pasko.

Bawal ang malalaking trak na dumaan sa mga pangunahing lansangan simula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi, simula ito sa Lunes hanggang Sabado.

Sa ilalim ng existing truck ban policy, walang truck ban pag Linggo at holiday sa mga major thoroughfares maliban lamang sa EDSA.

Ang pagbabawal sa mga trak na dumaan sa kahabaan ng EDSA, mula sa Magallanes Interchange sa Makati City hanggang sa North Avenue sa Quezon City, 24 na oras mula Lunes hanggang Linggo.

Buwan ng Marso ng suspendihin ng MMDA ang patakaran sa pagbabawal ng trak sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila para masiguro na hindi maantala ang pagdadala ng mga mahahalagang produkto sa gitna ng Covid-19 pandemic.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.