Lumakas pa at bumilis habang patuloy na kumikilos patungong Philippine Sea ang Tropical Storm Isang.
Huling namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyo sa layong 605 kilometro ng Silangan-Hilagang Silangan ng Basco o Itbayat, Batanes.
Taglay ng bagyong Isang ang lakas ng hangin na 75 kilometro kada oras at pagbugsong 90 kilometro kada oras at kumikilos sa bilis na 30 kilometro bawat oras.
Ayon kay Samuel Duran, weather forecaster ng pagasa, mababa pa rin ang tiyansa na tumama sa kalupaan ng bansa ang bagyong Isang at hindi na rin inaasahang magtataas ng ano mang Tropical Cyclone Wind Signal.
Bukas ng hapon o gabi ay inaasahang lalabas na ng Philippine Area Of Responsibility ang bagyong Isang.
Bagamat walang direktang epekto sa bansa ang bagyo, sinabi ni Duran na patuloy namang mararanasan ang localized thunderstorm sa buong bansa.

