Tricycle sinalpok ng pickup; 4 magkaka-anak, patay

Share this information:

KALUNOS-lunos ang sinapit ng apat na magkaka-anak kabilang ang dalawang bata ng kapwa masawi ang mga ito matapos silang salpukin ng isang pickup sa bayan ng Santa Ignacia, Tarlac, araw ng Lunes.

Nakilala ang mga biktima na sina Adela Canilang, 47-anyos, Cristal Jia Dizon, 22, Caster Jas Claudio, 5-anyos at ang 2 taong gulang na kapatid na si Mark Emilio Claudio.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, galing umano sa Tarlac City ang mga biktima na sakay sa tricycle nang maganap ang trahedya sa bahagi ng Barangay San Ines East.

Agad dinala ng ilang mga sumaklolong motorista sa malapit na ospital ang mga biktima subalit nasawi rin ang mga ito.

Lumalabas pa sa pagsisiyasat ni Police Executive Master Sergeant Randy Ramos, duty investigator ng Sta. Ignacia Police Station, nawalan umano ng control ang driver ng pickup kaya tuluyan itong sumalpok sa tricycle na nasa kabilang linya.

“Pagdating po roon sa mismong crime scene, allegedly from the witnesses na gumewang-gewang na itong pickup pero sa statement naman nung driver, nakaidlip daw siya,” pahayag ni Ramos.

Sinampahan na ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide ang driver ng pickup pero pansamantala muna siyang nakalaya matapos makapagpiyansa.

Humihingi naman ng tulong ang mga kaanak ng mga nasawi para mabigyan sila ng maayos na paglilibingan sa mga ito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.