Breaking News

Share this information:

SINIBAK na ang isang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos magreklamo ang isang motorista. 

Ayon kay MTPB Director Dennis Viaje, ipinapatupad nila ang “one strike policy” kaya tiniyak nito na hindi nila kukunsintihin ang mga enforcer na “tolongges,” nangongotong o mapapatunayang nang-aagrabyado ng masisitang motorista.

Sa ngayon ayon kay Viaje, umabot na sa mahigit 100 “tolongges” na enforcer ang sinibak na sa ilalim ng pamumuno ni Manila Mayor Francisco Domagoso bilang bahagi na din ng paglilinis sa hanay ng nasabing ahensiya ng lokal na pamahalaang lungsod.

Nito lamang Martes (Mayo 25) ay sinibak ang isang traffic enforcer na si Efren Fria makaraang dumulog sa tanggapan ng MTPB ang motorista na kanyang tiniketan na kinilalang si Miguel Vistan.

Ayon kay MTPB Chief of Operation Wilson Chan Sr., binawi na ang uniporme at ID ni Fria at tuluyan na itong sinibak sa kanyang tungkulin makaraang ireklamo ito ng “mis-apprehension.”

Ilang beses na po narereklamo itong si Fria, eto nga lang po Marso inireklamo din siya dahil sa mis-apprehension,” paliwanag ni Chan.

Matatandaan na kamakailan lang ay nag-viral sa social media ang paghuli at paniniket ni Fria sa motoristang si Vistan kahit wala itong violation.

Binabagtas ni Vistan ang Quintos St., Sampaloc sa Maynila nang lagpasan nito ang naka-kulay green na traffic light ngunit laking gulat nito nang bigla siyang harangan ng nasabing traffic enforcer at iginiit na may nilabag ito na violation na “passing thru red light.”

Dahil sa naidokumento ni Vistan ang pangyayari gamit ang kaniyang dash cam, ipinakita niya ito sa tanggapan ng MTPB kung saan agad namang inaksyunan ito ni Director Viaje at Chan na nagresulta sa pagkakasibak ni Fria. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: