Testing lab sa Sta. Ana Hospital, ginawaran na ng DOH ng “license to operate”

GINAWARAN na ng Department of Health (DOH) ng License to Operate ang Rapid HIV Diagnostic Algorithm (rHIVda) confirmatory testing laboratory ng  Sta. Ana Hospital.

Ito ay kasabay na rin ng pagdiriwang ng ika-11 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng ospital.

Ang testing laboratory, ayon kay Manila Mayor Francisco Domagoso,  ay “gold standard” testing para sa sakit na HIV (human immunodeficiency virus).

Sinabi pa ng alkalde na may matatakbuhan na ang mga kababayan na may HIV na bahagi ng pagpapaunlad ng pamahalaang lokal sa medical facilities sa lungsod ng Maynila upang mabigyan ang mga Manilenyo ng de-kalidad na serbisyong medikal.

Bukod sa Rapid HIV Diagnostic Algorithm (rHIVda) confirmatory testing laboratory, matatagpuan din sa Sta. Ana Hospital ang RT-PCR Molecular Laboratory na inihahandog ng libre sa mga residente at hindi residente ng Maynila bilang suporta sa pagsisikap ng pamahalaang lungsod ng Maynila na labanan ang pandemya dulot ng COVID-19. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.