‘Term sharing’ nina Cayetano at Velasco tuloy, pero…

Share this information:

Tiniyak ni House Majority Leader Martin Romualdez na kikilalanin at masusunod ang term sharing agreement nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Ayon kay Romualdez, pupuwedeng mangyari ang pagpapalit ng House Speaker pagkatapos na maaprubahan ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 7727 o ang 2021 General Appropriations Bill sa darating na Biyernes.

Nakasisiguro ang mambabatas na irerespeto ang hatian ng termino at may tamang pagkakataon para sa maayos na pagpapalit ng liderato ng Kamara.

Kasabay nito ang apela ni Romualdez sa mga kongresista na isantabi muna ang pulitika at tutukan o unahin ang pambansang pondo.

Tinukoy ng House leader na nasasaad sa Proclamation 1027 na ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapatawag ng special session na ang pakay ay tapusin ang 2021 national budget.

Samantala, kontra ang ilang mga kongresista kung may magbalak sa kampo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na ipasok ang pulitika at ipilit ang pagpapalit ng House leadership sa gitna ng pagtalakay sa panukalang 2021 national budget.

Kaugnay ito sa nakatakdang pagbabalik sesyon ng Kapulungan matapos na magpatawag ng special session si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Deputy Speaker Luis Raymond Villafuerte, kung sino man ang manggugulo sa itatakbo ng mga deliberasyon sa national budget at igiit ang term sharing agreement, sila ang sumusuway sa kagustuhan ng Presidente.

Ibinabala ni Villafuerte na maaantala ang pag-apruba sa 2021 General Appropriations Bill kung isisingit ang pagpapalit ng House Speaker.

Hamon naman ni Rep. Mike Defensor kay Velasco na gamitin nito ang impluwensya upang hikayatin ang kanyang mga taga-suporta na pagtuunan muna ang pagtitibay ng national budget bago ang pagpilit sa term sharing.

Sinabi naman ni House Minority Leader Benny Abante na hindi magmumula sa kanila ang panggugulo sa proseso ng budget deliberations dahil suportado nila ang pagpapatibay ng national budget bago ang pulitika.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.