Tensiyon sa pagitan ng demolition team, mga residente sa Tondo, Maynila, sumiklab

Share this information:

SUMIKLAB ang tensyon sa pagitan ng demolition team at mga residente dahil sa nakaambang paggiba sa mga bahay na nakatirik sa lupain ng isang pribadong kompanya sa Coral St., Juan Luna, Tondo, Maynila.

Ayon sa building inspector ng Manila City Hall na si Engr. Ed Balayan, tuloy ang kanilang demolition sa mahigit 300 square meter na lupaing nasasakupan ng 100 pamilyang apektado na mahigit pitong dekada nang nakatira sa lugar.

Nasa 60 kabahayan naman ang gigibain ng demolition team mula sa pribadong kompanya.

Ito ay sa kabila ng inilabas na kautusan mula sa Office of the City Legal Officer  na pirmado ni City Legal Officer Veronica Lladoc.

Sa nasabing kautusan, nakasaad na ang demolition sa lugar na pag-aari ng Meridian Cargo Forwarders, Inc. ay dapat kanselahin o i-postpone muna dahil sa nakabinbing “petition for review” sa Korte Suprema.

Pero giit ni Engr. Balayan, tuloy ang demolisyon dahil walang maipakitang Temporary Restraining Order (TRO) ang Tondo Central Neighborhood Association, Inc. sa kabila ng pakikipagpulong ng asosasyon at nagkaroon ng consensus kasama nila 1st District Representative Ernesto Dionisio, Rep. Irwin Tieng at Manila Vice Mayor Yul Servo hinggil sa  pagpapaliban sa demolisyon matapos na maghain ng petisyon sa Korte Suprema si Jaime David na isa ring residente ng lugar at miyembro ng asosasyon.

Dahil dito, walang nagawa ang mga residente kaya nakiusap na lamang sila na magself-vacate o magself demolition kaya nagkanya-kanyang  hakutan para maisalba ang kanilang mga gamit bago pa man sumugod ang demolition team.

Ayon sa isang residente na si Carol Bautista, wala silang matutuluyan dahil hindi sila binigyan ng sapat na panahon na makapaghanda.

Sinabi naman ni Engr. Balayan na Nobyembre 2 pa nakatakda sanang i-demolish ang naturang residential area na sakop ng Barangay 59.

Hiniling naman ng presidente ng asosasyon na si Ronaldo Bautista na bigyan sila ng karagdagang sapat na panahon para makapaglipat ang mga residente lalo ang mga walang matutuluyan.

Samantala, may mga nakaantabay namang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development, Housing and Urban Development at iba pang mga ahensiya upang umalalay sa mga apektadong residente.

(PHOTOS: Joyce Fernan)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.