KALABOSO ang tatlong indibidwal kabilang ang isang lolo matapos maaktuhan ng mga pulis na naglalaro ng ilegal sugal na “tong-its” sa Malabon City.
Kinilala ang mga naaresto na sina Danilo Sanchez, 37, tricycle driver, Crisostomo Cruz, 62, at Daisy Tiangco, 47, labandera, pawang mga residente ng Barangay Muzon.
Sa ulat nina police investigator PSSg Ernie Baroy at PSSg Jeric Tindugan kay Malabon City police chief Col. Angela Rejano, nakatanggap ang mga tauhan ng Station Intelligence Section ng tawag sa telepono mula sa concerned citizen at ipinaalam sa kanila ang hinggil sa isang grupo na naglalaro ng ilegal na sugal sa Katarungan St., sa nasabing barangay.
Kaagad namang nirespondehan ng mga pulisya ang naturang lugar dakong 4:40 ng hapon kung saan naaktuhan nila ang mga suspek na naglalaro ng tong-its.
Dinakip ng mga pulis ang mga suspek at nakumpiska sa kanila ang isang deck ng playing cards at P1,150 bet money.

