Tatlong holdaper, tiklo sa Malabon

TATLONG hinihinalang holdaper ang nasakote sa isang follow-up operation na isinagawa ng pulisya sa Malabon City.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Alexis Barbo, 21 anyos, Andrade Lora Jr., 18 anyos, at Carlcaton Cansino, 21 anyos, na pawang mga residente ng Bagong Barrio, Caloocan City.

Ayon kay Malabon Police Chief Col. Albert Barot, nagsasagawa ng pagpapatrolya bilang bahagi ng pinaigting ng “police visibility” ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 sa lugar na kanilang nasasakupan nang makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa nagaganap na robbery hold-up sa isang taxi sa kahabaan ng Engineering Road, Victoneta Avenue, Barangay Potrero, Malabon City.

Nang makumpirma ang ulat, agad nagsagawa ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 ng follow-up operation na nauwi sa hot pursuit hanggang sa maaresto ang mga suspek.

Narekober sa mga suspek ang isang caliber .38 revolver na may tatlong bala, icepick, kitchen knife; at cellphone ng biktima na nasa P8,000 ang halaga at P1,270 cash.

Ang mga suspek ay sasampahan ng pulisya ng kaukulang kaso sa Malabon City Prosecutor’s Office.

Pinapurihan naman ni Northern Police District (NPD) Director PBGen. Ulysses Cruz ang Malabon police sa pamumuno ni Col. Barot.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.