Misis, saksak ang isinukli kay mister dahil sa pagsandok ng kanin

ISANG mister ang sugatan matapos itong saksakin ng kanyang misis makaraang magtalo ang dalawa dahil lang sa pagsandok ng kanin sa Sto. Domingo, Ilocos Sur.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, ang mag-asawa, na hindi pinangalanan ng mga pulis, ay naghahapunan sa kanilang bahay nang magpasandok ng kanin ang mister sa kanyang asawa kahit na malapit na lang sa puwesto nito ang kaldero.

Nauwi sa pagtatalo ang pagpapasandok ng mister hanggang sa saksakin siya ng ginang.

Agad namang naisugod sa ospital ang biktima habang inaresto at nakapiit na ang misis nito.

Self-defense naman ang katwiran ng suspek na misis sa ginawa nito dahil sinusuntok umano siya ng kanyang asawa, ayon kay Police Lieutenant Rodel Marzon, officer-in-charge ng Sto. Domingo Police Station.

Gayunman, nang tanungin ang mga anak ng mag-asawa ay itinanggi nilang nakita ang panununtok ng ama sa ginang.

Naging kapansin-pansin din umano ang pabagu-bagong pahayag ng ginang kaya’t hinihinala ng ilang kaanak nito na may problema sa pag-iisip ang suspek na misis.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.