Breaking News

Share this information:

MALAMIG na rehas na bakal ng kulungan ang hihimasin ng tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos makuhanan ng halos P.8 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na sina Clarence Evangelista alyas “Kling-Kling,” 37 anyos, (pusher/listed), Victor Valencia, alyas “Kambal,” 47 anyos, kapwa ng Brgy. Baritan, at Allan Yumol alyas “Kano,” 43 anyos ng Caloocan City.

Ayon kay Col. Barot, dakong alas-9:40 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Alexander Dela Cruz ng buy-bust operation sa kahabaan C. Arellano Brgy. Baritan, kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon kay Evangelista at Valencia ng P10,000 halaga ng droga.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money kapalit ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay agad silang sinuggaban ng mga operatiba, kasama si Yumol na nakuhanan din ng limang plastic sachets ng umano’y shabu.

Ayon kay SDEU investigator PSSgt. Jerry Basungit, humigit-kumulang sa 115 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa mga suspek. Tinatayang nasa P782,000 ang standard drug price ng nakumpiskang shabu.

Nakuhanan din ang mga suspek ng cellphone, pouch at buy-bust money na isang tunay na P1,000 bill at 9 pirasong P1,000 boodle money.

Paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin na kaso ng mga suspek.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: