Tatlo patay, mahigit 40 sugatan sa banggaan ng bus at oil tanker sa Bataan

Share this information:

TATLONG katao ang kaagad na binawian ng buhay habang nasa mahigit 40 naman ang sugatan nang magbanggaan ang isang pampasaherong bus at isang oil tanker sa Roman Highway, Brgy. Laon, Abucay, Bataan. 

Ayon sa inisyal na ulat ni Police Major Dennis Duran, hepe ng pulisya ng Abucay, patay on the spot sina Walter Buenaventura, driver ng Bataan Transit Bus no. 144; Reynaldo Monte, ng Norzagaray, Bulacan, driver ng oil tanker at ang pasahero nitong si John Mark Victoria, ng Norzagaray, Bulacan din. 

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na ang Bataan Transit na bumibiyahe noon pa-hilaga nang ang isang oil tanker na patungo sa direksyong timog ay inokupahan nito (tanker) ang kabilang lane nang hindi napansin ang paparating na pampasaherong bus na naging sanhi ng head-on collision. 

Dahil sa malakas na impact, sinabi ni Duran na parehong nasawi sa lugar ang mga driver ng mga sasakyan at isang pasahero.

Inaalam pa ng pulisya kung ilang pasahero ang nasugatan sa oras ng paglalahad.

Halos masira ang oil tanker habang nawasak din ang harapang bahagi ng bus. Sinabi ni Duran na human error ang sanhi ng aksidente. 

Lahat ng mga pasahero ng Bataan Transit ay dinala sa Bataan General Hospital para sa medikal na atensyon,” ulat ni Major Duran. 

Ang aksidente ay nagdulot ng napakatinding pagsisikip ng trapiko sa loob ng ilang oras sa kahabaan ng six-lane Roman Highway.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.