Tatlo ang patay, dalawa ang sugatan sa insidente ng pamamaril sa Ateneo

TATLO ang kumpirmadong patay habang dalawa naman ang sugatan sa insidente ng pamamaril sa loob ng Ateneo de Manila University sa Quezon City, Linggo ng hapon.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police Brigadier General Remus Medina ang nag-iisang suspek na si Dr. Chao Tiao Yumol, 38 anyos, at taga Lamitan City, Basilan.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na umamin umanong may matagal na silang alitan ng isa sa mga napatay na si dating Lamitan City Mayor Rose Furigay.

Kabilang din sa mga napatay ay si Victor Capistrano, ang matagal nang executive assistant ng dating alkalde, at ang guwardiya ng unibersidad na si Jeneven Bandiala,

Ayon kay Medina, naghain umano noon ng 76 mga kasong cyber libel ang mga biktima laban kay Yumol. Nagpapalitan din ng mga kaso ang mag-asawang Furigay at si Yumol na naghain naman ng mga reklamong katiwalian laban sa dating lokal na opisyal.

Ayon kay Medina, dalawang baril ang bitbit ng suspek na nakapasok hanggang sa lobby ng unibersidad na noon ay may nakatakdang pagdaraos ng 2022 Commencement Exercises ng Ateneo Law School.

Nang makita umano ang biktimang si Furigay ay agad na pinaputukan at nadamay din ang dalawang iba pang indibidwal kabilang ang guwardiya na si Bandiala.

Nagtangkang tumakas ang suspek matapos na makakuha ng sasakyan sa parking area ng Ateneo at nang makalabas ay mga nasagasaan pa ito hanggang sa masukol at mabugbog ng mga humarang sa kanya.

Nadakip naman ng pulisya sa dragnet operation nito ang suspek na may tama rin ng bala ng baril sa katawan. Inaalam na kung sino ang nakabarilan ng suspek sa pagtakas nito.

Patuloy nang sinisiyasat ang insidente at ang paghahanda sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek.

Sinabi ni Medina na maituturing na “isolated case” ang insidente bagamat mas hihigpitan naman ang seguridad para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Kapwa kinukondena ni Quezon City Mayor Joy Belmonte at ng Department of the Interior and Local Government ang nangyaring pamamaril.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.