Target na paglago ng ekonomiya sa taong 2021, posibleng hindi maabot ng Pilipinas – Moody’s

POSIBLE umanong hindi kayaning makuha o maabot ang pinababa nang target ng paglago ng ekonomiya ng bansa ngayong taon.

Ayon sa pagtataya ng Moody’s Analytics, inaasahan nilang aabot lamang sa 5.3 percent ang gross domestic product o GDP ng Pilipinas ngayong taon.

Mas mababa iyan sa naunang target ng pamahalaan na 6.0 percent hanggang 7.0 percent para sa taong 2021.

Paliwanag ng Moody’s, hindi nila nakikita na magbabalik sa antas katulad nuong wala pang pandemya o pre-pandemic levels ang ekonomiya ng bansa hanggang sa katapusan ng taong 2022.

Dahil diyan, tinukoy ng Moody’s na mapag-iiwanan ang Pilipinas ng China, Taiwan, South Korea at Vietnam na nakabalik na sa dating tinatawag na output levels ng ekonomiya nito habang ang Indonesia at Thailand ay inaasahan nang makababawi ngayong taon.

Binanggit pa ng Moody’s ang pagsipa ng COVID-19 cases nuong Abril at ang kabiguan ng bansa na makontrol ang local infections dahil sa sentralisadong healthcare system sa halip na ang mga lokal na pamahalaan ang tumutok dito.

Hindi rin umanong consistent o tuluy-tuloy ang mga pagpapatupad ng mga polisiya patungkol sa contact tracing, pagpopondo at quarantine measures para sa mga tinamaan ng virus at sa kanilang close contact.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.