INAMIN ng isang mataas na opisyal ng Department of Health (DOH) na malabo na umanong maabot ng pamahaalan ang target na 90 milyong Pilipino na maging fully vaccinated o makakumpleto na ng bakuna kontra COVID-19 bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang pahayag ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje, na siya ring chairperson ng National Vaccination Operations Center (NVOC).
Batay sa pinakahuling datos, nasa 67 milyong indibidwal na ang ganap na bakunado sa bansa, na kapos pa rin sa target.
Pero ayon kay Cabotaje, umaasa pa rin sila na maaabot man lamang ang unang target na makapagbakuna ng 70 hanggang 77 milyon sa pagtatapos ng administrasyong Duterte sa Hunyo.
Para magawa ito, kailangan umano na makapagsagawa ng nasa 900,000 na pagbabakuna kada araw.
Dagdag ni Cabotaje, dapat din umanong mapalakas pa ang pagtuturok ng booster shots.