GUMUGULONG na ang imbestigasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa insidente nang pagkamatay ng isang curfew violator na sinasabing may kapansanan sa pag-iisip matapos na barilin ng barangay tanod sa Tondo, Manila, nitong Sabado ng gabi.
Kasabay nito, tiniyak ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na mananagot sa batas ang suspek na si Cesar Panlaqui sa pangyayari.
“Iniimbestigahan na po natin ang report na ito. Ang Philippine National Police ay inatasan na po ni Secretary Eduardo Año upang alamin ang puno’t dulo nito,” ayon kay Malaya.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), isang 59-anyos na scavenger na may diperensiya umano sa pag-iisip ang binaril at napatay ng barangay peace and security officer na si Panlaqui sa Tayuman St., Tondo, dakong alas-9:00 ng gabi.
Dead-on-the spot ang biktima, na may bitbit na mga laruang baril, dahil sa tinamo nitong tama ng bala sa dibdib.
Makikita sa isang CCTV footage na bago ang pamamaril ay sinisita ng tanod ang biktima ngunit bigla itong tumakbo.
Maya-maya ay makikita na sa footage na binaril ng barangay tanod ang biktima na agad namatay.
Agad namang naaresto ng mga awtoridad si Panlaqui nitong Linggo ng umaga sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis.
Sa paliwanag ng suspek, sinabi nito na sinita niya ang biktima dahil sa pag-iingay at pagpukpok sa mga gate at pintuan ng mga bahay sa lugar.
Tatakutin lamang umano sana niya ito ngunit sinugod siya nito ng palo kaya’t napilitang barilin ito. Isang revolver na walang dokumento at wala ring serial number na sinasabing ginamit sa pamamaril ang nakumpiska ng pulisya kay Panlaqui.

