Taas-pasahe, pinag-aaralan pang mabuti – LTFRB

HINDI pa agad makakapagdesisyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung mapagbibigyan ang hirit na pagtataas ng minimum na pasahe sa jeep dahil kailangan pang mapag-aralang mabuti ang mga batayan nito.

Sinabi ni LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion na hinihingi pa nila sa mga grupo ng transportasyon ang kaukulang mga dokumentong susuporta sa kanilang paggiit na itaas ang pasahe.

Naiintindihan po natin ang sentimyento ng ating mga transport operators and drivers. Alam po nating umaaray na talaga sila,” ayon kay Cassion.

Muling magsasagawa ng pagdinig ang LTFRB hinggil sa fare hike petitions na inihain ng 1-UTAK, Alliance of Concerned Transport Organizers, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Pasang Masda, at Transportasyon at Operators ng Pilipinas.

Sa naunang pagdinig, sinabi ni Cassion na kulang pa ang maaaring gamiting batayan ng LTFRB para mapayagan ang dagdag-singil sa pasahe.

Hindi po natin sinasabi na hindi natin igagawad, hindi rin po natin sinasabi na igagawad natin ‘yung kanilang ibibigay na increase, pero sinasabi natin pinag-aaralan natin ng mabuti,” pahayag ni Cassion.

Inaasahan namang mailalabas ng LTFRB ang desisyon nito sa P1 provisional fare hike na hinihingi rin ng mga tsuper at operator ng jeep.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.