SRP, hiling ng mga magba-baboy sa DTI upang lumakas ang demand

NANAWAGAN ang sektor ng mga hog raisers sa Department of  Trade and Industry (DTI) na magkaroon o magtakda ng suggested retail price (SRP)  sa mga karne ng baboy sa palengke upang lumakas ang demand at gumanda at maging mas mabilis ang takbo ng pagbebenta ng alagang baboy sa mga farm.

Sa isang media forum, sinabi ni Federation of Pork Producers Association of the Philippines Nicanor Briones na siya ring Presidente ng Agriculture Sector Alliance of the Philllippines na bagsak na ang farm gate price sa halagang P150 ngunit napakamahal pa rin ng presyo ng baboy sa mga pamilihan.

Paliwanag nito, dapat sana ay nasa P260 kada kilo na lamang ang presyo ng baboy ngunit sa palengke ay pumapalo pa rin sa P310 hanggang P350.

Nakakalungkot din, dagdag ni Briones, na lugi na ang mga local farmers dahil bumagsak na nga sa P150 ang gate price pero hindi ito nagrereflect sa merkado.

Samantala, sinabi ni Briones na naniniwala itong sapat ang suplay ng baboy hanggang holiday season o Disyembre dahil marami nang imported ang pinarating.

Yun nga lang, may mga ini-import na hindi dumadaan sa testing na siyang nagdadala ng sakit tulad ng African Swine Flu (ASF) sa mga baboy kaya lalong nalulugi ang mga hog raisers.

Binanggit din ni Briones na tuluyan na ring inalis ng Department of Agriculture ang subsidy na P5,000 kada ulo sa mga namamatayan ng baboy dahil sa ASF kaya naman patuloy din ang pagkalat ng sakit sa buong bansa.

Panawagan ni Briones, huwag nang tangkilikin ang mga imported na baboy dahil posibleng may dala itong sakit at sa halip ay tangkilikin ang baboy ng mga local hog raisers. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.