ITINUTURO ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia na ang kumpanyang Smartmatic ang siyang direktang nasa likod ng pagpopondo at paggawa ng mga pekeng dokumento upang palabasin na mayroon siyang mga foreign bank account.
Ipinakita ni Garcia sa isang press conference ang kaugnayan ng Smartmatic, ang kumpanyang nag-automate ng eleksiyon sa Pilipinas noong 2010, sa mga nakuha nilang dokumento kabilang ang pagbubukas ng mga foreign bank account na nanggaling sa iisang address sa Miami, Florida, USA.
Iginiit ni Garcia na hindi pa niya natatapakan maski daliri ang mga bansang binanggit sa white paper tulad ng Hongkong, Singapore, China at Amerika.
Ayon kay Garcia, isang Jose Herrera Paez ang nagbigay umano ng naturang mga dokumento sa mga pulitiko dito sa Pilipinas.
Napag-alaman na si Paez ay isang attorney-in-fact ng Jaleo Consultancy Firm at Director ng Smartmatic.
Ang Smartmatic ang dating technology provider ng Comelec sa mga nagdaang automated election pero na-disqualified sa nakaraang bidding dahil sa mga alegasyon ng dayaan noong nakaraang eleksiyon.
Ayon kay Garcia, nakakuha ito ng lahat ng certification mula sa mga bangko na ang mga naturang account ay pawang mga peke at walang George Garcia na pangalan ng bank account.
Sa kabila ng mga pangyayaring ito, sinabi naman ni Garcia na sobrang taas ng morale ngayon sa Comelec sa kabila ng mga akusasayon na ibinabato laban sa kanila.
“Sobrang taas po ng morale, in fact pinipigilan ko na nga po yung iba dahil gusto mag-file ng kaso, subalit sabi ko sa kanila mangolekta muna tayo ng dokumento at hintayin naman natin ang NBI (National Bureau of Investigation), napakataas ng karangalan at integridad ng NBI saka Anti-Money laundering Council,“ pahayag ni Garcia.
Nagpasalamat din siya sa suporta aniya ng lahat ng regional directors, provincial election supervisors at mga unyon/empleyado ng Comelec at iisa lamang ang kanyang naging instruction: ang magtrabaho at pabayaan na lamang siya sa kaso.
Aminado si Garcia na may takot sa kanila na posible silang balikan dahil malaking tao ang kanilang binabangga.
“Sa akin naman, bakit ka pa nasa posisyon kung hindi ka naman magsasabi ng totoo—kung hindi ako magsasalita, magsa-suffer hindi lamang yung pangalan ko kundi yung buong institusyon,” saad ni Garcia.
Dagdag pa ng Comelec chief, handa naman ang komisyon sa nakatakdang budget hearing ngunit umaasa ito na ma-limit lamang sa budget dahil ito aniya ay ibang bagay na usapin o isyu upang sa gayun ay maipagtanggol naman nila ang tamang budget para sa Comelec.
Idinagdag ni Garcia na kailangan ng komisyon ang pondo na idedepensa ng komiyson sapagkat ito ay gagamiting pondo para sa 2025.
Ayon kay Garcia, ipinaglaban ng komisyon na madagdagan ng honoraria ng lahat ng guro sa buong Pilipinas kaya naman umaasa siyang huwag mapulitika ang pagdadagdag ng P2,000 across-the-board payment para sa mga guro na maglilingkod sa araw ng eleksiyon.

