NANAWAGAN kay Pangulong Rodrigo Duterte ang samahan ng magbababoy na atasan nito ang Department of Justice (DOJ) na imbestigahan sa pamamagitan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sindikato sa loob ng Department of Agriculture (DA).
Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni Pork Producers Federation of the Philippines (PPFP) President Nicanor Briones, na dapat nang mabunyag ang sindikato sa loob ng DA sa pamumuno ni Secretary William Dar.
Aniya, habang iniimbestigahan ng Senado ang nangyayaring katiwalian sa importasyon ng baboy sa bansa ay nais din ni Briones na mag-imbestiga na rin ng NBI upang mahubaran ang mga kurap na tumatanggap ng malaking halaga ng ‘tongpats’.
Naniniwala ang samahan ng magbababoy na magiging patas ang NBI sa gagawing imbestigasyon dahil tiwala sila sa kredebilidad ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Iginiit ni Briones na nasa P14-Bilyon pisong halaga ang nawawalang kita ng gobyerno kada taon dahil sa smuggling at tongpats na napupunta lamang sa mga sindikato.
Nagtataka rin si Briones kung bakit mas gusto ng DA na itaas ang taripa sa mga iniimport na produkto ng baboy.
Dagdag pa ni Briones na tila walang konsensya ang DA kaya tinataasan pa ang tongpats.
Binigyan diin pa niya na madali lang mahuli kung sino ang nakikinabang sa technical smuggling kapag iimbestigahan ang Top 10 meat trader importers.
Umaasa ang asosasyon na mas masosolusyunan ang problema sa industriya at sobrang taas sa bentahan ng baboy sa bansa kung ang mismong pangulong Duterte ang manghihimasok sa problema sa loob ng DA. Sumulat na rin aniya ang samahan kay Senator Vicente Sotto III upang imbestigahan ang talamak na kurapsyon sa DA.