Senador Richard Gordon, binanatan ni Pangulong Duterte sa 7-oras na talk-a-thon

Share this information:

KASABAY ng paggiit na hindi siya namumulitika, rumesbak si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na nagsasagawa ng mga imbestigasyon hinggil sa sinasabing katiwalian sa gobyerno.

Sa kanyang Talk to the People, binigyang-diin ni Pangulong Duterte na upang malaman ng taumbayan ang katotohanan sa paggamit ng pondo o kung may korupsyon ay makabubuting makinig ito sa kanyang pag-uulat sa bayan dahil nasa kanilang mandato ang magsabi ng totoo kahit pa ikasisira ito ng kanilang imahe.

Binanatan ni Pangulong Duterte ang mga kongresista at ilang senador na pumuporma aniya’y lamang dahil malapit na ang eleksyon 2022 at hindi dapat paniwalaan agad ng publiko.

Partikular na tinukoy ng Presidente si Senador Richard Gordon na chairman ng Blue Ribbon Committee at nagpaimbestiga sa kinukuwestyong paggamit ng COVID-19 response funds ng Department of Health at sa isyu ng procurement ng DBM.

Tinawag ni Pangulong Duterte na talk-a-thon lang ang pag-iimbestiga ni Gordon dahil inuubos nito ang oras sa pagsasalita kahit siya na lang mag-isa sa pagdinig at wala pa itong napapakulong sa sinasabing mga anomalya sa gobyerno.

Hindi rin aniya maganda ang nakasanayang paraan ng pagtatanong ni Gordon na magbibigay ng leading questions at bubugbugin ng mga tanong ng pitong oras ang inimbitahan nito sa pagdinig kaya’t hindi maiwasang may matulala o mawala sa pagtutok.

Pinatutungkulan ng Pangulo ang mahabang oras na nagisa kamakailan ng Senado si dating DBM Undersecretary Christopher Lao dahil sa umano’y overpriced na facemasks at face shields.

Sinabi pa ni Pangulong Duterte na hindi rin pinatatapos ni Gordon sa pagsagot ang mga inimbitahan nito sa pagdinig at itinulad niya ang senador sa isang Nazi.

Hindi rin pinalagpas ni Pangulong Duterte si Senador Panfilo Lacson na kinuwestyon ang pagiging matapat nito sa gitna rin ng pagpapabitiw kay Health Secretary Francisco Duque at sinabihang kahit ang sorbetero ay puwedeng humiling ng kanyang pagbibitiw sa puwesto, depende na lang kung sasagutin niya ito.

Hirit pa ni Pangulong Duterte, dapat ay lahat ng mga ahensya ng gobyerno na na-flag o nakuwestyon ng Commission on Audit ang imbestigahan ng Kongreso at hindi lamang ang DOH.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.