Selda ang tungo ng welder dahil sa baril, bala at granada

Share this information:

SELDA ang kinabagsakan ng isang welder matapos itong makuhanan ng baril, mga bala at granada sa isinagawang joint police operation sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong suspek bilang si Randy Magpayo alyas “Ulo,” 36 anyos na residente ng No. 9 VMN Compound, Brgy. Potrero.

Ayon kay Barot, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Malabon police ng impormasyon na ilegal umanong nag-iingat ng baril at granada si Magpayo kaya kumuha sila ng search warrant sa korte.

Ayon kay PSSgt. Ernie Baroy at PSSgt. Diego Ngippo, dakong alas-4:50 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng SIS sa pangunguna ni PLt. Richel Sinel sa koordinasyon sa Sub-Station 1, kasama ang SECU, Northern Police District ng joint police operation at pagpapatupad ng search warrant na inisyu ng RTC Branch 290, Malabon City. 

Kaagad pinosasan ng mga pulis ang suspek matapos makumpiska sa loob ng kanyang bahay ang isang Pistol Tanfoglio na may defaced serial number, magazine, anim na pirasong bala ng 9mm na baril, hand grenade, itim na sling bag at identification card.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) at RA 9516 (Unlawful Possession of Explosives).

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.