Arestado ang dalawang security guard matapos barilin at mapatay ang isang 21-anyos na security guard mula sa ibang security agency kasunod ng isang kaguluhan sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Si Yasser Ampuan ng Prostegein Security Agency at residente ng North Fairview, Quezon city ay dead on the spot sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan habang ang mga suspek na kinilalang sina Edward Pahila, 42 at Rey Anthony Sabanal, 38, kapwa ng Giross Security Agency ay agad namang naaresto ng rumespondeng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 3.
Ayon kina Malabon police homicide investigator P/SSgt. Ernie Baroy, nasa kanilang puwesto ang mga suspek sa 7210 BNM Dulong Bautista St. Brgy. Panghulo nang dumating ang biktima, kasama ang tatlo pang security guard dakong 7:39 ng gabi at sinabi sa mga suspek na ang kanilang security agency ay magtatalaga ng isang duty guard malapit sa lugar na kanilang binabantayan.
Isang kaguluhan ang sumunod hanggang sa magpaputok ng warning shot ang mga suspek bago itinutok ang kanilang baril sa biktima at binaril ito sa katawan na nagresulta ng kanyang kamatayan.
Napag-alaman ng mga imbestigador na ang lugar na binabantayan ng mga suspek ay nahaharap sa alitan sa lupa sa pagitan ng dalawang partido na parehong inaangkin ang pagmamay-ari ng lupa.