Breaking News

Share this information:

ITINIGIL na ang search and retrieval operation sa bumagsak na C-130 military cargo plane ng Philippine Airforce (PAF) sa Barangay Bangkal, Patikul, Sulu nitong araw ng Linggo.

Ito ang inihayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana matapos marekober ang lahat ng katawan ng mga pasahero, piloto at crew na sakay sa bumagsak na eroplano.

Sa kabuuan, nasa 50 ang nasawi, 47 ay mga sundalo 3 ang sibilyan habang nasa 49 naman ang sugatan na sundalo at 4 naman ang sugatan na sibilyan.

Dinala ang nasa 18 sugatang sundalo sa KHTB Station Hospital sa Headquarters ng 11th Infantry Division ng Philippine Army habang nasa ibat ibang ospital naman ang iba.

Full investigation

Ipinag-utos na rin ni Lorenzana ang ‘full investigation’ sa pagbagsak ng eroplano.

Patuloy naman ang paghahanap ng mga awtoridad sa black box ng C-130 na ayon kay Lorenzana ay siyang makakapagbigay linaw kung ano ang naging dahilan sa pagbagsak nito.

Ayon kay Lorenzana, nais nyang malaman ang buong nangyari at kumpletong detalye na pinag ugatan ng insidente.

Pinabulaanan naman ng opisyal ang mga alegasyon na depektibo ang mga kagamitang binili ng AFP.

Tinututukan ngayon ng AFP ang pagbibigay ng tulong sa mga biktima at mga naiwan ng mga nasawi.

Batay sa record ng DND, ang eroplano na nasangkot sa malagim na trahedya ay naibigay ng Estados Unidos sa DND nitong Enero 2021 sa ilalim ng Mutual Defense treaty.

Sinasabi na ang pagbagsak ng C-130 aircraft ng PAF sa Sulu ang siyang pinaka malagim na trahedya na nangyari sa kasaysayan ng militar sa bansa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: