SAMPUNG Japanese national na wanted sa Tokyo dahil sa pagkakasangkot sa big-time telecommunications fraud ang pinatalsik na mula sa bansa ng Bureau of Immigration (BI).
Sakay ng Japan Airlines flight patungong Narita mula sa Ninoy Aquino International Airport ngayong umaga ang naturang mga dayuhan.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ineskortan ng mga operatiba ng Japan ang mga pugante.
“All of them are now banned from re-entering the Philippines as a result of their inclusion in our immigration blacklist of undesirable aliens,” dagdag ng BI chief.
Kinilala ang mga na-deport na sina Mishima Takumi, Tabata Ryota, Kawasaki Ryuto, Irabu Shioki, Onishi Shunsuke, Omata Kenta, Sato Takatoku, Hashizumi Ryushin, Mitani Ren at Oshita Nobuki.
Sa rekord, lumalabas na kabilang ang nabanggit na mga dayuhan sa 34 Japanese nationals na naaresto noong Nobyembre 13, 2019 ng mga operatiba mula sa BI Fugitive Search Unit (FSU) sa loob ng isang hotel sa Makati City kung saan sila nahuli sa akto na nagsasagawa ng mga aktibidad gaya ng voice phishing at telephone fraud.
Ayon naman sa mga awtoridad ng Japan, ang mga naarestong Hapones ay pawang mga miyembro ng organized crime syndicate na nagdulot ng isang mapanlinlang na pamamaraan na bumibiktima sa maraming Japanese citizens.
“They allegedly defrauded their victims of roughly two billion yen, equivalent to about a billion pesos, causing significant damage to Japanese society,” ayon sa BI.