Roro, sumadsad sa katubigan sa Iloilo dahil nakaidlip ang helmsman

Share this information:

ANG helmsman na siyang naatasan na magtimon sa MV Filipinas Cebu, isang “roll on, roll off” (RoRo) na sasakyang pang-dagat, di-umano ay nakaidlip kaya sumadsad ito sa katubigan ng Concepción, Iloilo madaling araw ng Martes, ayon sa pinakahuling update ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ang nasabing impormasyon ay galing umano sa kapitan ng barko.

Pinayuhan naman ng PCG ang kapitan na maghain ng marine protest sa PCG Station sa Iloilo.

Martes pasado alas-12 ng madaling araw nang sumadsad ang barko ng Cokaliong Shipping Lines sa pagitan ng Igbon Island at Agho Island habang patungo ng Cebu.

Umalis ang barko mula Iloilo alas 7:14 ng gabi ng Lunes.

Sinabi ni Captain Alexander Wahing, ligtas ang 223 pasahero at 38 crew na sakay ng barko, ayon sa PCG.

Agad namang nakatugon ang sister vessel ng MV Filipinas Cebu na MV Filipinas at tumulong upang mailipat ang mga pasahero at maihatid sa kanilang destinasyon.

Matapos ang assessment ng Marine Environmental Protection Unit nito, sinabi ng PCG na walang bakas ng oil spill mula sa insidente. 

Sinabi ng PCG na nag-inspeksyon na rin sila sa katawan ng barko para sa posibleng pagpasok ng tubig-dagat at ang inspeksyon ay nagbunga ng mga negatibong resulta.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.