NAKIPAG-USAP na si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa mga iba’t-ibang agriculture industry stakeholders partikular sa iba’t-ibang grupo ng mga magsasaka.
Kabilang dito ang League of Associations of La Trinidad Vegetables kung saan pinag-usapan nila kung paano matutuldukan ang agricultural smuggling na matinding nakakaapekto sa mga local farmers.
Maging si Manuel Lamata ang chairman ng United Sugar Producers Federation (UNiFED) ay nakausap na rin ni Ruiz.
Ayon kay Ruiz tiniyak ni Lamata sa kanya ang full support ng pinakamalaking sugar bloc sa bansa.
Ganito din ang naging tagpo sa meeting ni Ruiz at ni Edgardo Lomanog Jr., hepe ng sugar anti-smuggling organization, kung saan nagpahatid ito ng buong kooperasyon sa BOC para masolusyunan ang sugar smuggling sa bansa.
Ayon kay Ruiz nagkakaroon na ng ugnayan ang BOC sa Department of Agriculture (DA) para sa enhanced inter-agency data exchange para sa pag-kumpirma ng mga shipment at pagpapalakas ng derogatory at intelligence information.
Para sa mas matinding laban kontra smuggling, sinabi ni Ruiz na ipinapatupad na nito ang mandatory inspection ng lahat ng reefer containers bago ilipat sa DA-accredited cold storage facility.

