Breaking News

Share this information:

ARESTADO ang isang rider matapos makuhanan ng shabu ng tangkain nitong  takasan ang mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita dahil walang suot na helmet sa Caloocan City, Sabado ng madaling araw.

Tinukoy ni Caloocan City Police Chief Col. Samuel Mina Jr, ang naarestong suspek na si Mohammad Azis Macapuli, 22, ng Doña Aurora St., Brgy. 177, Camarin.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Cadena De Amor Police Sub Station 11 sa kahabaan ng Zapote Road, Brgy. 178, Camarin dakong alas-2:45 ng madaling araw nang parahin nila si Macapuli na sakay ng isang motorsiklo dahil walang suot na helmet.

Nang hanapan ng identification card ay pumalag umano ito at tinangkang tumakas subalit kaagad naman siyang napigilan ng mga pulis at naaresto.

Nang kapkapan, nakuha sa suspek ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P3,740 ang halaga.

Kasong paglabag sa Art 151 of RPC at Section 11, Art II of RA 9165 ang isinampa ng pulisya kontra sa suspek sa Caloocan City Prosecutors Office.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: