Umaabot sa 50 kabahayan ang tinupok ng apoy sa Sampaloc, Maynila gabi ng Miyerkules, Oktubre 1 kung saan isa ang ini-ulat na sugatan.
Ayon sa report ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nangyari ang sunog sa panulukan ng Galicia at Aranga Street at naapula ang apoy pasado alas 11 ng gabi.
Nagpalipas ng gabi ang mga nasunugang residente sa isang bakanteng lote, dala-dala ang knailang mga naisalbang mga gamit na kung saan ay hindi na naobserbahan pa ang physical distancing.
Nagsilikas din umano ang ilang residente kahit hindi naabot ang kanilang mga bahay. Bahagi umano ito sa kanilang paghahanda kapag may sunog.
Sugatan naman ang isang lalaki matapos mabagsakan ng kawad ng kuryente sa kasagsagan ng sunog.
Sinasabing nagmula ang apoy sa tatlong palapag na bahay sa lugar.
Nahirapan umano ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy dahil kinapos sa tubig ang mga firetruck, at may kalayuan din umano ang mga fire hydrant sa lugar ng sunog.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.