Bistado ang pagtatangka ng isang babaeng dalaw na maipuslit ang bitbit nitong ensaymada na naglalaman umano ng marijuana para sana sa kanyang kinakasama na nakapiit sa Talipapa Police Station sa Quezon City.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), isang Mary Jane Larrosa ang naghatid ng ensaymada sa istasyon ng pulisya para kay Jonathan Alonzo.
Gayunman, nagduda ang mga awtoridad dahil pasado alas-otso na ng gabi at tapos na ang dalaw ay ipinilit pa rin ng babae na ihatid ang ensaymada nito.
Agad umanong umalis ng istasyon si Larrosa matapos na iwanan sa jailer ang ensaymada. Dahil nagduda umano ang jailer ay binuksan nito ang ensaymada sa harap ni Alonzo at tumambad ang sinasabing marijuana sa loob nito.
Inamin umano ni Alonzo na siya ang nag-utos na dalhin ang marijuana dahil gamot umano niya ito sa depresyon.
Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad si Larrosa na sinampahan na rin ng reklamo.