‘Rep. Garin et al, mapupunta sa impiyerno!’ – Acosta

IN PHOTO: Puno ng awang pinagmamasdan sa loob ng morge ng isang punerarya ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda-Acosta ang 15 anyos na si “JC” na nasawi dahil umano sa anti-dengue vaccine na “Dengvaxia”. Si “JC” ang ika 159 na nasawi dahil sa Dengvaxia. (JEFF TUMBADO)

LUMOBO pa ang bilang ng mga kabataang nasasawi dahil sa “Dengvaxia” vaccine, kasunod ng pagkamatay ng isang 15 anyos na lalaki nitong gabi ng Miyerkules, Nobyembre 25, na siyang ika-159.

Nabatid kay Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda-Acosta, ang biktima ay kinilala lamang sa pangalang “JC”, residente ng San Ildefonso, Bulacan, na nasawi pasado alas 6 ng gabi sa kaanak nito sa Quezon City.

Kuwento ng ina na si Maricel, kakalabas lamang nila ng parehong araw na iyon mula sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) dahil sa pagkaka admit ng kanyang anak ng ilang araw dahil sa nararanasang pag-uubo at hirap sa paghinga.

Nagpasya umano silang manuluyan pansamantala sa isang kaanak sa Quezon City bago umuwi ng Bulacan, habang nasa kalagitnaan ng kanilang paguusap ay bigla na lamang nawalan ng malay ang anak at sumubsob sa sahig.

Agad nilang isinugod sa Veterans Memorial Medical Center si “JC” subalit idineklara itong dead on arrival.

Lumabas sa isinagawang forensic examination ni Dr. Erwin Erfe, ang namumuno sa forensic team ng Public Attorney’s Office (PAO), ang multiple-organ enlargement gaya ng paglaki ng atay, spleen, puso, kidney, pancreas, mga atay, at ang tuloy tuloy na pagdurugo sa kanyang baga at utak ang siyang ikinamatay ni “JC”.

Napag alaman kay Atty. Acosta, base na rin sa pagsusuri ni Dr. Erfe sa labi ni “JC”, “dengvaxia” ang naging punot dulo ng pagkamatay ng bata.

Dito nabatid mula sa ina ni “JC”, tatlong beses umanong naturukan ang anak ng dengvaxia na nagsimula noong taong 2016 habang nasa loob ng paaralan sa Antayam Elementary School, sumunod itong 2017 at 2018. Napag-alaman na nagka dengue na umano ang bata bago pa man ito maturukan ng bakunang dengvaxia.

Isang doktor ng Veterans, nais ipadeklara sa pamilya ni “JC” na COVID ang ikinamatay nito

Labis na ikinagulat ni Acosta ang umanoy kagustuhang ipadeklara ng isang doctor sa Veterans, na COVID-19 ang ikinamatay ni “JC”, batay na rin sa sumbong ng kaanak nito.

“Kung totoo po yon, wag naman ganon, kung hindi naman talaga namatay sa COVID e bakit ninyo iko-COVID? alam ko naman ang intensyon ng iba diyan para hindi na po ma forensic examination ng PAO forensic team naming, kasi make cremate wala na pong ‘corpus dilicti’ e, wala ng body of the crime, wag naman po ganon,” pahayag ni Acosta.

Gagawan din umano ng aksyon ng PAO batay sa ihahaing reklamo ng magulang ni “JC” laban sa doctor ng Veterans na nais pang gamitin ang pagkamatay ng kanyang anak para kumita.

Acosta nanawagan kay House Speaker Velasco

Nanawagan si Acosta kay House Speaker Lord Allan Velasco na huwag gayahin ang estilo ni dating Taguig-Pateros Representative Alan Peter Cayetano na hinayaan lamang umano na magkaroon ng limitasyon ang budget ng kanyang tanggapan.

“Sinisilip po ng aming SOJ Guevarra sa maisasama si Secretary Duque dahil panahon ni Duque ng turukan at mamatay po ang siyam na kabataan. 2017 nang may declaration ang Sanofi at health experts pero tinutuloy pa rin nya ang mass vaccination. At meron pa po naturukan noong 2018 at hanggang nagkaroon pa ng senate blue ribbon hearing, tinutuloy pa rin nya dahil ang kinakutwiran niya ay pinapayagan pa daw siya ni president. Bkit? si presidente ba ang health secretary? Sino ba ang doctor? Kung doctor ka? Bkit itutuloy mo pa ang pagtuturok kung alam mo mamamatay?”, pahayag ni Acosta.

Mga kongresistang walang awa gaya ni Garin, mapupunta sa impiyerno – PAO Chief

Iginiit ni Acosta na hindi dapat isakop sa pagbabawal sa “Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE ang kanilang tanggapan gaya ng nais ng mga kongresista sa pangunguna ni Iloilo Representative Janette Garin.

“Under the constitution, no persons shall be deprived without due process of law, bakit kami lang ang ahensyang kukulatilyahan nyo? Lalagyan kami ng limitasyon sa mooe at pati sa personnel services? mga pang sweldo? kitang kita nyo ang layunin ng mga promotor nyan para po tuluyan ang mga biktima na wala ng taong matakbuhan,” saad ni Acosta.

“Maawa naman kayo sa mga biktima at mahabag kayo sa mga sarili nyo dahil sa impiyerno kayo pupulutin, kayo kaya ang mamatayan dahil sa dengvaxia? at maramdaman nyo ang sakit,” ani pa nito.

Sinagot din ng PAO chief ang ginawang pagtatawa at patutsada ni Garin na isang “PR stunt” lamang daw umano ang lahat ng ginagawang tulong ng PAO sa mga magulang ng mga namatay na kabataan sa dengvaxia.

“Nakakatawa ba? Bakit? Pag ba may namatay, tatawa ka pa? pag ba may nagrereklamong magulang na biktima sila pagtatawan mo pa? aminado ang Sanofi na hindi pwede sa hindi pa nadengue ang bakuna at magkakaroon lamang ng malulubhang sakit ang sino mang natururakan. Aminado ang Sanofi sa Food and Drugs Administration noong 2015, kung saan sya ang administrator noon, health secretary pa, na mayroon apat na ikamamatay ang sinomang maturukan ng dengvaxia, nakakatawa ba yon? Buhay pa nakakatawa? kung gusto nyo, wag kaming tumulong sa imbestigasyon e ipa revoke nyo sa DOJ, bakit budget ng PAO ang pinagdidiskitahan nyo?” dagdag pa ni Acosta.

Vaccination scare hindi dahil sa PAO kundi sa Dengvaxia

Mariing pinabulaanan din ni Acosta ang isyu na nagkaron ng vaccination scare kayat walang gustong pamilya na pabakunahan ang kanilang mga anak at idinahilan nito na “indiscriminate mass vaccination” sa panahon ni Garin kung kayat natakot ng husto ang  mga magulang na magpabakuna ngayong panahon.

“Dahil sa mass vaccination nila na hindi sinunod ang protocol, dapat doctor assisted yan ng magkaroon ng takot ang tao, hindi dahil sa may namatay inimbestigahan ng PAO, no!, sila ang gumawa ng takot sa taong bayan kaya, takot ngayon ang taong bayan, kaya sa aking pananampalataya, hindi papayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maganap ngayon ang naganap noon, dahil aral na ito sa atin ang nangyari noon,” giit pa ng PAO Chief.

Si “JC” ang pang 159 bilang ng mga namatay dahil umano sa walang pakundangang pagtuturok ng dengvaxia at marami pang huhukayin na bangkay sina Doctor Erfe para isailalim sa forensic examination.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.