NASAGIP ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 16 na indibidwal, kabilang sina Eastern Samar Lone District Representative Maria Fe Abunda at Borongan City Mayor Jose Ivan Agda na lulan ng nabalahaw na fishing vessel sa bahagi ng Homonhon Island sa Guiuan Easter Samar ngayong araw.
Ayon sa PCG, ang fishing vessel ay ginamit para sa paghahatid ng mga bisita para sa “unveiling ceremony of the historical marker” kaugnay ng ika-500 taong anibersaryo ng “first circumnavigation of the world.”
Nasa pagitan ng karagatan ng Manicani at Homonhon Island ang bangka nang masiraan ang makina ng FBCA Bencor ng umaga.
Agad namang nagdeploy ng tatlong rubber boats ang PCG upang tulungan at mailipat ang mga pasahero sa BRP Suluan (MRRV-4406) na nagsilbing maritime security vessel sa nasabing aktibidad.
Nasa maayos namang kalagayan na nakarating sa Homonhon Island ang mga bisita.
Nagpasalamat naman sila sa PCG sa agarang aksyon at pagtitiyak sa kanilang kaligtasan sa gitna ng hindi magandang nangyari sa kanilang paglalayag sa karagatan.
Ayon kay Abunda at Agda, ang insidente ay nagpapaalala sa kahalagahan ng coast guards lalo na sa pagliligtas ng buhay at pag-aari sa karagatan.
Dahil dito, nangako rin sila na susuportahan ang pagtatayo ng coast guard station sa Eastern Samar sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo at lot donation.

